UNITED STATES – Inaprubahan ng United Nations General Assembly ang isang bagong world map na nagpapakita ng mas tamang sukat ng mga kontinente, kung saan mas malaki ang Africa kumpara sa dating representasyon nito.
Sa botong 164 pabor, isang bansa ang tumutol at anim ang nag-abstain. Bumoto ang Estados Unidos laban sa resolusyon.
Hinihikayat ng UN ang mga miyembrong bansa na gamitin ang Equal Earth cartographic projection bilang alternatibo sa tradisyonal na Mercator projection na ginagamit mula pa noong 1569.
Sa Mercator map, lumalaki ang representasyon ng mga lugar na malapit sa North at South Poles habang lumiit naman ang mga rehiyong malapit sa equator. Dahil dito, lumalabas na mas malaki ang Europe at North America kaysa sa tunay nilang sukat, habang lumiit ang Africa at South America.
Inilunsad ng grupo ng mga cartographer ang Equal Earth projection noong 2018. Mas naipapakita nito ang aktuwal na lawak ng Africa, Latin America, South Asia at Oceania.
Ayon kay Bojan Savric, isa sa mga cartographer, pinapanatili ng bagong projection ang relatibong lawak ng mga kontinente at, hangga’t maaari, ang kanilang hugis gaya ng nakikita sa isang globo.
Mariing tinutulan ng United States ang resolusyon.
Ayon sa kinatawan nitong si Yaryna Ferencevych, sa halip na harapin ang mahahalagang problema, nakatuon umano ang UN sa mga usapin tungkol sa mga mapa mula pa noong ika-16 na siglo.
Samantala, inanunsyo ng France, na co-sponsor ng resolusyon, na ititigil na nito ang paggamit ng Mercator projection.
Ayon kay French Foreign Minister Jean-Noel Barrot, hindi nito mababago ang mundo ang pagpapalit ng mapa, ngunit ang pagwawasto sa maling representasyon ay isang hakbang tungo sa katotohanan.
Ang inisyatiba ay isinulong habang sinusubukan ng France na pagbutihin ang relasyon nito sa African countries, partikular sa mga dating kolonya nito. RNT/JGC