BAGO ang lahat, muli nating ipinaabot kay dating National Press Club President at Usec. Benny Antiporda at sa kanyang pamilya ang ating sinserong pakikiramay sa pagpanaw ng kanyang minamahal na ina, Maria Violeta Ti Diaz Antiporda nitong Hulyo 17. God bless her soul and always keep strong, Brod.
***
Muling lumipad patungong ‘Tadong Unidos si Pangulong Bongbing Marcos nitong Hulyo 20, upang kausapin umano si President Donald Trump hinggil sa ipinataw sa ‘Pinas na 20 porsiyentong taripa sa ating mga produkto.
Ang kanyang biyahe ay kasabay ng balitang 17 Pinoy na mga empleyado ng isang ‘Cruise Ship’ ang pinosasan ng ‘US Customs and Border Patrol’ na mistulang mga kriminal, inabuso ang mga karapatang pantao at ipinatapon pabalik sa Pilipinas dahil umano sa pagiging mga ‘illegal alien’– kahit pa mga dokumentadong empleyado ng nasabing barko.
Para sa mas malawak na bilang ng mga Pinoy, ang resulta ng biyahe ni Pangulong BBM ang magpapatunay kung talaga bang “kaibigan” at “kaalyado” tayo ni Uncle Sam o itinuturing pa rin tayong mga “tuta,”
”utusan” at “muchacho” na siya nating karanasan sapul pa noong 1898?
Ang resulta, anila, ay magpapatunay din kung handa si PBBM na unahin ang kapakanan ng ating bansa o ang “pagsalba” sa personal nilang interes na mag-asawa dahil nga sangkot sa malaking iskandalo sa ‘Tadong Unidos si FL Liza Araneta Marcos hinggil sa pagkamatay dahil sa ‘cocaine overdose’ ni Paolo Tantoco na kasama niya sa kanyang ‘entourage’ noong Marso.
Marami ang nagbabantay dahil sa ating mga kalapit-bansa sa ASEAN katulad ng Vietnam, Singapore, Malaysia at Indonesia, nagawa nilang makakuha ng napakaraming pabor kay Trump na hindi nila kailangang “lumuhod” sa harapan niya o gawing imbakan ng mga armas at gawing base militar ng mga Kano ang kanilang mga bansa.
Bagong pag-asa o panibagong kahihiyan kaya ang “pasalubong” ni PBBM?