BREAST cancer ang pinaka-karaniwang uri ng kanser sa kababaihan dito sa Pilipinas. Noong 2022, mahigit 33,000 bagong kaso ang naitala, at higit 11,000 kababaihan ang nasawi dahil dito. Ito ang siyang pangalawang pangunahing sanhi ng pagkamatay mula sa kanser, kasunod ng lung cancer sa bansa.
Ang agresibong uri ng breast cancer ay maaaring kumalat sa ibang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng metastasis.
Bago ito mangyari, kailangang makapasok ang cancer cells sa mga ugat ng dugo at lymphatic system, isang prosesong kilala bilang lymphovascular invasion (LVI). Isa itong mahalagang palatandaan na ginagamit ng mga doktor upang tukuyin kung malapit nang kumalat ang kanser.
Ngunit hanggang ngayon, tanging sa pagsusuri ng mga tinanggal na tumor tissue lamang natutukoy ang LVI. Binabago ito ngayon ng mga biologist mula sa University of the Philippines. Gamit ang clinical data at advanced genetic analysis, nakabuo sila ng mathematical model na kayang tukuyin ang LVI bago pa man isailalim ang pasyente sa operasyon.
Paliwanag ni Dr. Michael Velarde ng UP Diliman College of Science – Institute of Biology, kung maagang matutukoy ang LVI, maaaring iakma ng mga doktor ang gamutan batay sa kondisyon ng pasyente at maiwasan ang mga hindi epektibong gamot.
Kasama sa kanyang grupo sina Allen Joy Corachea, Regina Joyce Ferrer, Lance Patrick Ty, at Madeleine Morta, pati na rin ang mga eksperto mula sa Philippine Genome Center at UP Manila.
Sinuri nila ang datos mula sa 625 breast cancer patient sa Philippine General Hospital, at kanilang nakita na karamihan sa mga pasyenteng may LVI ay hindi tumutugon nang maayos sa mga karaniwang anticancer drugs gaya ng doxorubicin at anthracyclines.
Upang mapatibay ang kanilang obserbasyon, pinatubo nila ang mga tumor cells sa laboratoryo at lumikha ng organoids o mga maliit na organ-like na istruktura. Lumabas sa pagsusuri na ang mga LVI-positive organoids ay mas hindi tumatalab sa gamot kumpara sa mga LVI-negative.
Nadiskubre rin nila na ang mga UGT1 at CYP genes, na responsable sa pag-breakdown ng anticancer drugs, ay mas mataas ang aktibidad sa mga pasyenteng may LVI. Kapag mas aktibo ang mga gene na ito, mas mabilis nawawala ang bisa ng gamot, kaya mas may posibilidad na mabuhay ang tumor at mag-metastasize.
Sa pamamagitan ng regression model na kanilang binuo, nagawa nilang matukoy ang LVI status ng pasyente sa biopsy stage pa lamang, na may 92 percent accuracy.
Ang magandang balita, magagamit ang modelong ito gamit ang mga lokal na teknolohiya sa Pilipinas, kaya may malaking potensyal ito sa pagsulong ng personalized cancer treatment para sa mga pasyenteng Filipino.
Bagama’t maganda ang nakikitang resulta, paglilinaw ni Dr. Velarde na kinakailangan pa ng karagdagang validation bago ito magamit bilang pamantayang diagnostic tool.
Plano rin ng kanilang grupo na palawakin ang kanilang pag-aaral sa mas maraming pasyente at suriin pa nang mas malalim ang papel ng UGT1 at CYP genes sa LVI at drug resistance. Sabi pa ni Dr. Velarde, hangad nilang makabuo ng isang praktikal na pagsusuri na magagamit sa mga ospital sa Pilipinas upang gabayan ang mga doktor sa pagbibigay ng pinakaangkop na gamutan para sa bawat pasyenteng may kanser.






