MANILA, Philippines – Nagsimula na ang pamahalaan sa pamamahagi ng P563 milyong halaga ng mga serbisyo ng pamahalaan at ayuda sa mahigit 60,000 residente ng Batangas sa pamamagitan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF).
Sa pahayag nitong Sabado, Agosto 24, sinabi ni
Speaker Ferdinand Martin Romualdez na binisita ng BPSF ang Batangas kung saan 50 participating agencies ang nag-alok ng mahigit 200 uri ng serbisyo.
Ang Batangas leg ng BPSF ay tatakbo hanggang ngayong Linggo, Agosto 25.
Target nito na mabisita ang lahat ng 82 probinsya sa bansa sa pagdadala ng “Mabilis, Maayos, Maginhawa at Masayang serbisyo publiko.”
Nagpaabot naman ng tulong ang Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment sa nasa 34,000 benepisyaryo sa probinsya.
Nagpasalamat si Romualdez kay Finance Secretary Ralph Recto sa pag-host sa naturang event.
“Natutuwa tayo at kahit Secretary of Finance na si dating Congressman Ralph Recto ay siya pa rin ang tumayong local host ng ating BPSF sa Batangas at ang pagbabalik natin sa BPSF mula sa pahayag ng mas pinatinding interes ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa service caravan na nagbigay ng ibayong motivation sa ating organizers,” ani Romualdez. RNT/JGC