Home METRO Bagong species ng kalapati, natuklasan sa Tawi-Tawi

Bagong species ng kalapati, natuklasan sa Tawi-Tawi

2
0

TAWI-TAWI, Philippines – Opisyal nang kinilala bilang bagong species ang isang ibon na mahigit isang siglo nang nasa mga koleksiyon ng museo—ang Tawi-Tawi Imperial Pigeon (Ducula tawitawi), na matatagpuan lamang sa mga kagubatan ng Tawi-Tawi.

Inanunsyo ito ng Philippines Biodiversity Conservation Foundation. Inilarawan ni ornithologist Matthew R. Halley ang bagong species sa isang pag-aaral na inilathala noong Setyembre 2 sa Bulletin of the British Ornithologists’ Club.

Tatlong specimen lamang mula Tawi-Tawi ang ginamit sa pag-aaral. Dalawa ang nakolekta noong 1891 sa Menage Expedition at nasa Smithsonian Institution’s National Museum of Natural History sa Washington, D.C. Ang ikatlo ay nakolekta noong 1971 ng kilalang Filipino ornithologist na si Dioscoro S. Rabor at nasa Delaware Museum of Nature and Science.

Matagal na iniuugnay ang mga ibong ito sa Pink-bellied Imperial Pigeon (Ducula poliocephala), ngunit napansin ang mahalagang pagkakaiba nito—puti ang lalamunan ng Tawi-Tawi population sa halip na kayumanggi.

Nakatulong din ang kanilang mga tunog sa pagkilala sa species. Ipinakita ng mga audio recording mula dekada 1990 na iba ang kanilang vocalization sa Pink-bellied Imperial Pigeon at sa malapit nitong species na White-bellied Imperial Pigeon.

Dahil sa kakaibang itsura at tunog nito, inilarawan ni Halley ang Tawi-Tawi Imperial Pigeon bilang isang bagong species.

Gayunman, nagbabala ang pag-aaral na nasa “imminent risk of extinction” ang bagong species. Endemic ito sa Tawi-Tawi, ibig sabihin, wala itong natural na populasyon saanman sa mundo, habang patuloy namang lumiit ang kagubatang nagsisilbing tirahan nito.

Dahil dito, nanawagan ang mga conservationist na maprotektahan ang natitirang kagubatan ng Tawi-Tawi upang hindi tuluyang mawala ang bagong tuklas na species. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here