MANILA, Philippines – Ipinagbunyi ni Senador Sherwin Gatchalian ang bagong batas na magtatatag ng high school para sa sining o arts at sports sa Lungsod ng Baguio.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na nakatakdang itayo ang Baguio City High School for the Arts sa ilalim ng Republic Act No. 11218, samantalang itatayo naman ang Baguio City Sports High School sa bisa ng Republic Act No. 12119.
Isinulong ni Gatchalian ang naturang batas sa Senado bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Mandato sa Baguio City High School for the Arts ang pagpapatupad ng general secondary education curriculum alinsunod sa Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o ang K to 12 law para sa mag-aaral na may potensyal sa sining ang papasok sa naturang paaralan.
Bibigyang diin ng curriculum ang paghubog sa mga talento at kakayahan ng mag-aaral na habang itinataguyod ang kalinangan ng bansa.
Ang Department of Education (DepEd) ang mamumuno sa Baguio City High School for the Arts sa tulong ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng Cultural Center of the Philippines (CCP).
Magbibigay ng direksyon sa polisiya at technical assistance ang dalawang ahensya sa paaralan.
Magpapatupad naman ang Baguio City Sports High School ng general secondary education curriculum alinsunod sa K to 12 law para sa mag-aaral na may potensyal sa sports ang magiging mag-aaral ng naturang paaralan.
Bibigyang diin ng curriculum ang paghubog sa kakahayan ng mag-aaral bilang atleta sa pamamagitan ng physical education at subjects sa sports.
Ang DepEd ang mamumuno at magpapatakbo ng Baguio City Sports High School sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC) at National Academy of Sports (NAS).
Ang mga polisiya, pamantayan, at criteria ng NAS System ang magsisilbing gabay sa operasyon ng Baguio City Sports High School.
“Binabati ko ang mga taga-lungsod ng Baguio dahil magkakaroon na sila ng sarili nilang mga high school para sa sining at sports. Ang Baguio ay tahanan ng mga mahuhusay na alagad ng sining at mga atleta, at sa pamamagitan ng kanilang mga bagong paaralang ito, mahuhubog natin ang maraming mga kabataang magbibigay dangal sa ating bansa,” ani Gatchalian. Ernie Reyes