BAGUIO CITY, Philippines – Iniulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), na mahigit P40 milyon ang tinamong pinasala sa imprastraktura ng lungsod mula Hulyo 17 hanggang Hulyo 31 dahil sa malakas na pag-ulan at malakas na hangin mula sa mga tropical cyclone na ‘’Crising,’’ ‘’Dante,’’ at ‘’Emong’’ at ang habagat.
Sinabi rin ng CDRRMC na isang tao ang naiulat na namatay, dalawa ang nasugatan, isa ang nawawala, at 378 pamilya o 1,593 indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa dito.
Ang data ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) noong Hulyo 31 ay nagsabing mayroong 98 na insidente ng pagguho ng lupa, at pagbagsak ng bato, kabilang ang isang posibleng sinkhole, na napapailalim sa karagdagang pagaaral ng Environment Management Bureau (EMB).
Siyamnapu’t isang punong natumbang at nakahilig na mga puno ang natanggal at 34 na pamilya o 138 indibidwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation area at 128 pamilya na binubuo ng 370 indibidwal ang pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kapitbahay o kamag-anak dahil sa mga nasirang bahay.
Sinabi ni Engr. Charles Bryan Carame, pinuno ng CDRRMO, karamihan sa mga nasirang ari-arian ay dahil sa pagguho ng lupa at mga natumbang puno.
Siyam na bahay ang ganap na nasira at 57 ang bahagyang nasira. Isang sasakyan ang tuluyang nawasak dahil sa pagbagsak ng mga bato.
Nakapagtala ang Benguet Electric Cooperative (Beneco) ng P7.2 milyon na pinsala sa mga linya ng kuryente noong Hulyo 31. RNT/MND