MANILA, Philippines – Ganap nang naging Tropical Depression ang isang low pressure area sa silangan ng Batanes kaninang 2 a.m. Biyernes, ayon sa weather bureau PAGASA.
As of 4 a.m., ang sentro ni bagyong Julian ay tinantya sa layong 525 km East ng Itbayat, Batanes. May lakas na hanging 55 kph at pagbugsong aabot sa 70 kph.
Dagdag pa ng weather bureau na patuloy na lalakas si Julian sa buong panahon ng pagtataya at maaaring umabot sa kategoryang tropical storm nitong Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga, habang posible ring maging kategoryang severe tropical storm sa Linggo at kategorya na bagyo sa Martes.
Katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang maaaring maranasan sa Batanes, Ilocos Norte, at Cagayan simula Sabado.
Si Julian ay tinatayang tatahakin ang isang looping path sa karagatang silangan ng Batanes at Cagayan sa susunod na limang araw.
Sinabi ng PAGASA na maaaring itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga bahagi ng Cagayan Valley sa maghapon.
Si Julian ang ika-sampung weather disturbance sa bansa ngayong 2024 at pang-anim ngayong Setyembre.
Nauna nang sinabi ng weather bureau na 4 hanggang 7 tropical cyclones ang maaaring mabuo sa loob o pumasok sa Philippine area of responsibility sa huling quarter ng 2024, kabilang ang 2 o 3 bagyo sa Oktubre at 1 o 2 bawat isa sa Nobyembre at Disyembre. RNT