Home NATIONWIDE Bagyong nasa labas ng PAR posibleng maging super typhoon sa susunod na...

Bagyong nasa labas ng PAR posibleng maging super typhoon sa susunod na linggo — PAGASA

1
0

MANILA, Philippines — Posibleng lumakas bilang typhoon o maging super typhoon ang tropical storm na kasalukuyang nasa labas ng Philippine area of responsibility bago ito makapasok sa bansa sa kalagitnaan ng susunod na linggo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes.

Ayon kay PAGASA weather specialist Leanne Loreto sa 5 a.m. weather advisory, maaaring pumasok ang bagyo sa PAR sa Miyerkoles o Huwebes sa susunod na linggo at tatawaging Inday kapag nakapasok na sa monitoring area ng bansa.

“We see this tropical storm intensifying further in the coming days, and it is possible that it will enter our area of responsibility by the middle of next week,” ani Loreto.

Sinabi ni Loreto na nananatiling hindi tiyak ang tatahaking direksyon at magiging lakas ng bagyo, ngunit ipinapakita ng mga forecast na maaari pa itong lumakas habang papalapit sa bansa.

“And based on what we are seeing, it could still reach typhoon or super typhoon category,” dagdag pa ni Loreto.

Dagdag pa niya, posibleng palakasin ng naturang sama ng panahon ang southwest monsoon o habagat.

“There is still a high level of uncertainty regarding the potential scenario for this new tropical cyclone. Based on our observations, this storm will draw in the southwest monsoon,” paliwanag ni Loreto.

Samantala, lumabas na ng PAR ang Tropical Depression Henry dakong alas-8:00 ng gabi nitong Miyerkoles at huling namataan sa layong 610 kilometro kanluran ng Bacnotan, La Union, habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.

Dakong alas-3:00 ng madaling araw nitong Huwebes, taglay ni Henry ang maximum sustained winds na 55 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 70 kph.

Bagama’t nakalabas na ng PAR si Henry, sinabi ng Pagasa na patuloy na magdadala ng malakas hanggang gale-force na bugso ng hangin ang pinagsamang epekto ng outer circulation nito at ng habagat sa Batanes, Cagayan, Pangasinan, Zambales, Bataan, at Palawan.

Apektado rin ng habagat ang kanlurang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao, na magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Palawan at Occidental Mindoro.

Makararanas naman ang Zamboanga Peninsula, Basilan, Tawi-Tawi, at Antique ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dahil sa habagat.

Samantala, maaaring makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan ang Eastern Visayas, Bicol Region, Caraga, Davao Region, at Quezon dahil sa easterlies. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here