MANILA, Philippines – Umabot na sa peak intensity ang Super Typhoon Rosal habang patuloy itong kumikilos sa karagatan sa silangan ng Northern Luzon, ayon sa PAGASA nitong Miyerkules.
Sa 11 a.m. bulletin ng state weather bureau, namataan ang sentro ng mata ng bagyo 845 kilometro silangan ng Northern Luzon.
Taglay ni Rosal ang maximum sustained winds na 215 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at bugso na aabot sa 265 kph. Kumikilos ito pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.
Itinaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa Batanes, kung saan maaaring maranasan ang gale-force winds na 62 hanggang 88 kph sa loob ng 24 oras.
Nananatili naman sa Signal No. 1 ang Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Ilocos Norte, Apayao, silangang bahagi ng Isabela at hilagang-silangang bahagi ng Catanduanes.
Ayon sa PAGASA, Signal No. 2 o 3 ang posibleng pinakamataas na wind signal na maitataas habang nasa Philippine Area of Responsibility (PAR) si Rosal.
Inaasahang magpapatuloy ang bagyo sa west-northwestward na direksiyon ngayong Miyerkules bago kumilos pa-northwest sa Huwebes.
Pinakamalapit si Rosal sa Extreme Northern Luzon sa pagitan ng Huwebes at Biyernes ng hapon, ngunit inaasahang mananatili itong nasa karagatan.
Nasa 340 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes ang forecast position nito pagsapit ng Huwebes ng gabi.
Bagama’t nasa peak intensity na, sinabi ng PAGASA na inaasahang magsisimulang humina si Rosal mula Miyerkules ng hapon o gabi at posibleng bumaba sa typhoon category sa Huwebes.
Inaasahan namang lalabas ito ng PAR sa Biyernes ng gabi o madaling araw ng Sabado.
Nagbabala rin ang PAGASA sa mapanganib na kondisyon sa karagatan. Maaaring umabot sa siyam na metro ang taas ng alon sa hilaga at silangang baybayin ng Batanes, dahilan upang payuhan ang mga sasakyang pandagat na manatili sa ligtas na daungan.
Samantala, maaaring makaranas ng malalakas na bugso ng hangin ang ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao dahil sa northeasterly windflow at malawak na sirkulasyon ng Rosal.
Pinapayuhan ang publiko, partikular ang mga residente ng Northern Luzon, na patuloy na bantayan ang mga susunod na abiso ng PAGASA. RNT