Home METRO Bahagi ng Colegio de San Juan de Letran, nasunog; lalaking na-trap, nasagip

Bahagi ng Colegio de San Juan de Letran, nasunog; lalaking na-trap, nasagip

MANILA, Philippines – Nailigtas ang isang lalaki na na-trap sa ikalawang palapag ng isang kilalang eskuwelahan matapos magkasunog hapon ng Miyerkules, Mayo 29 sa Intramuros, Maynila.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog ganap na alas-2 ng hapon sa Colegio de San Juan de Letran sa Legazpi Street, Intramuros, Maynila.

Sa inisyal na ulat, narinig ng mga residente ang isang lalaki na sumisigaw sa may bintana ng ikalawang-palapag ng gusali.

Agad namang tinangkang sagipin ang lalaki ng mga rescuers gamit ang isang aluminum ladder ngunit makapal ang grills ng bintana.

Dahil dito, gumamit ang mga rescuers ng grinder upang maputol ang bakal ng bintana o grills upang mailabas ang lalaki sa gusali.

Makalipas ang mahigit 30 minuto, matagumpay na nailigtas ang lalaki sa pagkaka-trap.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng BFP sa sanhi ng sunog at kabuuang halaga ng pinsala. Jocelyn Tabangcura-Domenden