Home METRO 4 timbog sa pusoy at shabu

4 timbog sa pusoy at shabu

MANILA, Philippines – ARESTADO ang apat katao matapos maaktuhang naglalaro ng iligal na sugal kung saan isa sa kanila ang nakuhanan ng iligal na droga sa Valenzuela City.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ni PSSg Pamela Joy Catalla kay Valenzuela Police chief P/Col. Allan Umipig, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Valenzuela City Police Sub-Station 7 mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na illegal gambling activity sa Blk 31, Lot 9, Northville 2, Brgy. Bignay.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad sa nasabing lugar kung saan naaktuhan ng mga ito sina alyas “Francisco”, 45, alyas “Rufo”, 48, alyas “Louie”, 26, pawang ng Northville 2 at alyas “Jobert”, 36 ng Caloocan City na naglalaro ng sugal na ‘Pusoy’ dakong alas-8:20 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang deck ng playing cards (baraha) at bet money na P550 sa magkakaibang denominations habang ang tatlong plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7,616 ay nakuha ng mga pulis kay “Francisco”.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Illegal Gambling Law/Pusoy) habang karagdagan kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kakaharapin pa ni “Francisco”. R.A Marquez