Home NATIONWIDE Alice Guo dapat patalsikin ng NPC – Gatchalian

Alice Guo dapat patalsikin ng NPC – Gatchalian

Kuha ni Cesar Morales l Remate File Photo

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian nitong Miyerkules, Mayo 29 na dapat patalsikin ng Nationalist People’s Coalition (NPC) si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa umano’y kaugnayan nito sa mga kriminal na aktibidad sangkot ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kanyang munisipalidad.

Ani Gatchalian, tatlo sa apat na incorporators ng Baofu Land Development Inc. ay sangkot sa money laundering.

Mahirap umanong paniwalaan na hindi niya alam ang mga kriminal na aktibidad na Bamban, katulad ng scam hubs at human trafficking.

“My personal take is for her to be expelled from NPC because she is connected with POGO, and her birth certificate is irregular and invalid,” sinabi ni Gatchalian, na miyembro ng NPC advisory board.

Ang tinutukoy ni Gatchalian ay ang Zun Yuan Technology Incorporated, isang POGO entity na nilusob noong Marso dahil sa mga umano’y illegal activities sa loob ng Baofu Land Development Inc. compound na nasa likod lamang ng Bamban Municipal Hall.

Sinabi ni Senador Risa Hontiveros na base sa mga dokumento ng Securities and Exchange Commission (SEC), ang incorporators ng Baofu Land Development Inc. ay sina Guo, Rachel Joan Malonzo Carreon, isang Filipino; Zhiyang Huang, isang Cypriot; Zhang Ruijin, isang Chinese; at Baoying Lin, isang Dominican.

Samantala, inihayag ni Gatchalian na si Guo ay naghain ng kanyang candidacy bilang independent candidate noong May 2022 polls at lumahok sa NCP nang siya ay manalo.

“When she won, it is normal that those who win the polls join the ruling party, the NPC, since Tarlac is [dominated by] the NPC, but it is important for NPC members to have a high standard of integrity, good moral conduct, and more importantly, hindi nasasangkot sa ganitong kriminalidad,” anang senador.

“As a member of the NPC advisory council, it is important that NPC members maintain integrity, or this will set a bad precedent,” dagdag pa niya.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni NPC chairman at former Senate president Vicente Sotto III na iniimbestigahan na ng partido si Guo kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado sa POGO-linked criminal activities.

Itinanggi naman ni Guo na sangkot siya sa mga kriminal na aktibidad at iginiit na hindi niya alam ang mga paglabag na nagawa ng mga business partner niya. Nalaman niya lamang umano ito dahil sa social media. RNT/JGC