MANILA, Philippines – Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) chairperson George Erwin Garcia nitong Lunes na kaduda-duda ang mga dokumentong iniabot sa kanya ng dating kinatawan ng Caloocan na si Edgar Erice na naglalaman umano ng listahan ng mga foreign bank account na naka-link sa isang opisyal ng poll body.
Sa isang pahayag, sinabi ni Garcia na ang mga dokumento mula kay Erice na diumano ay nagmula sa Bahamas ay may “katulad na mga font” at tila mula sa isang tao.
Ayon kay Garcia,binago lang umano ang mga account numbers ng mga bangko at sinabi rin na dapat may logo kung talagang galing sa ibat-ibang bangko .
Sinabi ni Garcia na ipapa-verify niya ang mga dokumentong ito para matukoy ang mga nararapat na kasong isasampa. Aniya, hindi kapani-paniwala ang pahayag ng dating mambabatas na ang mga ito ay ipinadala lamang ng isang source sa ibang bansa.
“Falsification po malinaw na malinaw . Falsification of a public or even a private document. Mas mahaba kulong nyan sa Revised Penal Code (RPC)”, ani Garcia.
Sa ilalim ng Article 172 ng RPC, ang falsification ng isang pribadong indibidwal at ang paggamit ng mga pekeng dokumento ay may parusang hanggang anim na taong pagkakakulong at multang hindi hihigit sa P5,000.
Sinabi ni Garcia na mapapatunayan niyang wala ang mga account na ito at hindi sa kanya ang mga ito.
Samantala, sinabi ng dating mambabatas na natanggap niya ang mga file mula sa Bahamas.
Sinabi ni Erice na makikita sa mga file na ang isang opisyal ng Comelec ay nakatanggap ng USD1 milyon mula sa South Korea mula umano sa Miru, ang service provider ng poll body para sa automation system na gagamitin para sa 2025 midterm elections.
Sa isa pang pahayag, sinabi ni Erice na merong 14 foreign accounts ng isang Comelec official at sa ilan kasama ang kanyang maybahay bilang co-depositor.
Naroon din umano ang apat na ari-arian na pag-aari ng opisyal ng komisyon sa Singapore, Hong Kong, US, at Makati.
Sinabi ni Erice na nasa kay Garcia kung ano ang gagawin sa impormasyong ipinakita sa mga dokumentong ito. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)