Home METRO Bakbakan ng 2 armadong grupo, nagpapatuloy; mga apektadong residente lumikas

Bakbakan ng 2 armadong grupo, nagpapatuloy; mga apektadong residente lumikas

MAGUINDANAO DEL SUR-TILA walang planong itigil ang giyera ng dalawang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos umabot ng higit sa isang buwan ang kanilang palitan ng putok at labis na naapektuhan ang nasa 1,000 residente dahilan para napilitan ang mga ito na lisanin ang kanilang mga tirahan nitong Martes, Mayo 7 sa Mamasapano, Maguindanao del Sur.

Ayon kay Vincent Cuales, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), pansamantalang inilikas ang nasa 960 pamilya sa iba’t ibang paaralan sa naturang bayan.

Aniya, nagsimula ang gulo ng dalawang grupo noong Abril 2, 2024 hanggang sa hindi na tumigil ang kanilang putukan na labis na naapektuhan ang mga residente.

Maging ang mga alagang hayop ng mga residente at mga kalapit ng barangay sa Libutan at Dasikil ay pinagbabaril gaya ng mga alaga nilang kambing habang ang alaga nilang kalabaw at baka ay ninakaw.

Sinabi naman ni Lt. Lou Christian Villones, hepe ng Mamasapano Municipal Police Station, nag-ugat ang giyera ng dalawang grupo matapos umanong tambangan ng miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang pamilya ng barangay chairman ng Pimbalakan na isang kasapi ng MILF.

Lalo pang sumiklab ang hidwaan ng dalawang grupo matapos umanong magkampihan ang grupo ng BIFF at MILF hanggang sa naglakas ng loob ang mga ito dahil lumawak na ang kanilang pwersa.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para pahupain ang dalawang grupo at posibleng maharap ang mga ito sa kaukulang kaso.

Nasa heightened alert status naman ang tropa ang pamahalaan para sa seguridad sa mga residente. Mary Anne Sapico