BAGO ang lahat, muli tayong nakikiramay sa pamilya ni Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa pagpanaw ng kanyang amang si Renato Miguel Nepomuceno bago ang araw ng Pasko. Inihatid naman siya sa kanyang huling hantungan nitong Linggo, Disyembre 28.
Sa dami nang nagpadala ng bulaklak at mga pakikiramay sa pamilya ni Comm. Ariel, makikitang sadyang marami siyang kaibigan, nagmamahal at may respeto sa kanya at sa kanyang pamilya. Mabuhay ka, Comm. Ariel!
***
Bukod sa kanyang patuloy na pananahimik sa “pang-uurot,” ehek, “pang-eenganyo ni Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste, na “siya” na ang maglabas ng “Cabral Files,” gusto ring makumbinsi ng publiko na sadyang “seryoso” si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon sa kanyang sinasabing “reporma” sa loob ng ahensya.
Para kasi sa Crime and Corruption Watch International ni Dr. Carlo Batalla, parang “tuloy ang “ligaya” sa mga kontraktor na may masamang rekord ng ‘accomplishments’ sa kanilang mga proyekto.
Sa halip kasing masuspindi o ‘ma-blacklist,’ aba’y patuloy silang nakasasali sa mga DPWH bidding— at nananalo pa nga!
Halimbawa itong ‘JD Legaspi Construction’ na sumali—at nanalo sa P641.77 milyon ‘reconstruction’ ng Mabini Hall sa Malakanyang. Nangyari ang bidding nitong Disyembre 16, sa termino na ni Sec. Vince.
Sa rekord na “nabungkal” ng CCWI, sa pagitan ng 2017 at 2024, nabigyan ng DPWH Central Office at DPWH-NCR ng 12 kontrata ang JDLC na aabot sa higit P3.2 bilyon na may iisang “katangian,” mga kabayan: Lahat ito ay “ongoing” at wala pang natapos kahit isa—batay mismo sa datos ng DPWH!
Oops! Hindi natin kilala itong JDLC, dear readers. Ang sa ganang atin, sumasang-ayon tayo sa CCWI na “kung” totoo nga ang mga sinasabing “reporma” ni Sec. Vince, bakit patuloy na nakasasali sa mga bidding ang mga katulad ng JDLC?
Kapansin-pansin din na katulad sa Mabini Hall, karamihan sa ‘infra/construction projects’ sa mga ahensya ng gobyerno dito sa NCR, JDLC ang nananalo?
Hmm. ‘Favored contractor’ ba ng DPWH Central/NCR ang JDLC?
Bukas naman tayo sa ano mang paliwanag, DPWH Usec. Charles Calima at Engr. Boyet Legaspi.
Abangan!






