MANILA, Philippines – HINDI sapat ang pansamantalang suspensyon ng dagdag-multa sa mga paglabag sa paggamit ng mga expressways, ayon sa grupong AkoOFW kasabay ng hirit na “rebate system” sa mga naperwisyo motorista dahil sa kapalpakan ng toll operators na nangangasiwa ng NLEX, SLEX at iba pang toll roads patungo at palabas ng Metro Manila.
Sa isang kalatas, nanindigan si Dr. Chie Umandap na tumatayong lider ng AkoOFW partylist group laban sa Joint Memorandum Order 2024-001 na nagpapataw ng mataas na multa sa mga motorista.
Sa halip na parusahan ang mga motorista, higit aniyang angkop na angkop tugunan muna ng mga toll operators ang mga usapin hinggil sa di umano’y palpak na pangangasiwa ng trapiko, sira-sirang daan, depektibong RFID at matinding pagbaha dulot na malakas na buhos ng ulan.
“Sa laki ng singil sa mga motorista, dapat lang naman sigurong tumbasan ng mga toll operators ng magandang serbisyo ang pumapasok na kita sa kanila,” wika ni Umandap.
Partikular na kinalampag ni Umandap ang Department of Transportation (DOTR), Land Transportation Office (LTO) at Toll Regulatory Board (TRB) na nasa likod ng JMO 2024-001.
Sa ilalim ng JMC 2024-001, papatawan ng multa ang mga motoristang wala – kung hindi man depektibong ETC device – P1,000 sa first offense, P2,000 sa second offense at tumataginting na P5,000 sa mga susunod pang paglabag.
Pasok din sa mga target pagmultahin ang mga motoristang kapos ang load ng RFID – 500 para sa unang paglabag, P1,000 sa ikalawang violation at P2,500 sa mga susunod na traffic infraction.
Bahagi rin ng JMC 2024-001 ang paglalagay sa talaan ng “alarma” ang pag-aari (o pinangangasiwaan) sasakyan sakaling hindi pangalanan ng operator ang driver ng sasakyang may mga paglabag – bukod pa sa P2,000 multa.
Para kay Umandap, hindi makatwiran pahirapan ang mga motoristang hangad lamang naman aniya’y makabiyahe ng matiwasay papunta at palabas ng kabisera.
“Napakalaki na ng nakolekta ng mga tollways management mula sa mga motorista kaya dapat lang suklian nila ito ng mahusay na serbisyo,” dugtong ng AkoOFW partylist group chairman.
Hindi na rin aniya dapat pahintulutan ng DOTR pagpapataw ng multa sa laki ng kinikita ng mga nasabing kumpanya.
“Napakahigpit nila sa mga violations ng motorista kaya dapat din na pagbayaran nila ang mga kakulangan nila sa mga motorista,” pagtatapos ni Umandap. RNT