MANILA, Philippines – Hinimok ni Sen. Bam Aquino ang Department of Education na mag-doble kayod sa para maabot ang target na 25,000 silid-aralan, kasabay ng pagsasabi na ang patuloy na pagkaantala ay lalo lamang nagpapabigat sa kalagayan ng mga estudyante at guro.
Sa kanyang opening statement sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education hinggil sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, binigyang-diin ni Aquino na ang P67-bilyong pondong inilaan sa ilalim ng 2026 national budget ay dapat maisalin sa mga de-kalidad na silid-aralan na tutugon sa pangangailangan ng mga estudyante at guro sa buong bansa.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, tumulong si Aquino na maisulong ang paglalaan ng P67 bilyon para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan bilang bahagi ng makasaysayang P1.34-trilyong budget para sa edukasyon, upang makatulong na matugunan ang kakulangan ng bansa na tinatayang nasa 166,000 silid-aralan.
“Ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi kung magkano ang nailaan. Ang tunay na sukatan ay kung gaano karaming silid-aralan ang naitayo at gaano kabilis itong napakinabangan ng ating mga estudyante.” ani Aquino.
“Habulin natin ang target. Mag double-time tayo. Kung may kailangang alisin na mga problema at bottleneck, alisin natin. Kung may kailangang pabilisin na proseso, pabilisin po natin. Dahil ang pondo ng taumbayan ay nailaan para tugunan ang pangangailangan ng taumbayan,” dagdag pa niya.
Pinaalalahanan ni Aquino ang mga ahensya ng gobyerno na ang maayos at episyenteng paggamit ng pondo para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan ay magsisilbing batayan sa pagpapasya kung dapat pang dagdagan ang pamumuhunan ng gobyerno sa edukasyon sa mga susunod na taon.
“Kapag hindi ho natin naipakita na kaya nating gamitin nang maayos at mabilis ang pondong nakalaan para sa classrooms, kami po ay natatakot na posibleng mababawasan ang pondo para po sa susunod na taon,” aniya.
“At alam ho natin, gawa ng 10-year national education plan, na kailangang pumopondo tayo ng ganito kalaki o mas malaki pang pondo para lang maabot natin ang 166,000 classroom gap na mayroon tayo,” dagdag pa niya.
Nagbabala ang senador na ang bawat pagkaantala sa pagpapatayo ng mga silid-aralan ay may direktang epekto sa mga mag-aaral at guro, dahil napipilitan ang mga estudyante na magsiksikan sa mga silid-aralan habang patuloy namang nagtuturo ang mga guro sa dalawa o tatlong shifting schedule.
“Kada araw na naaantala ang pagpapatayo ng classrooms, may batang patuloy na nagsisiksikan sa silid-aralan. Kada linggong naaantala ito, may guro na patuloy na nagtuturo sa dalawo o tatlo na shift. Kada buwan na hindi natin naipapatayo ang mga classroom na ito, patuloy nating ipinapasa ang bigat ng problemang ito sa mga estudyante,” giit niya.
Ibinahagi rin ni Aquino ang kanyang pagbisita sa Kasiglahan Village Elementary School at Kasiglahan Village National High School sa Montalban, Rizal, kung saan nasaksihan niya ang matinding siksikan sa mga silid-aralan, mga estudyanteng pumapasok nang alas-5:30 pa lamang ng umaga dahil sa shifting schedule, at mga gusaling idineklarang condemned dahil sa substandard na konstruksyon.
“Iyan ang dahilan kung bakit nandito tayo ngayong umaga. Kung bakit natin tinawag ang pagdinig na ito. Mahalaga na malaman natin ang status ng implementation ng P67 bilyong inilaan para sa classroom construction. Magkano na po ang nai-disburse, ilang proyekto ang nasimulan, anong ahensiya ang responsable sa kung anong amount ng kaperahan ilang classroom na ba ang nagawa na at ilang classroom ba ang ating target for the year,” punto ni Aquino.
“Mahalaga ring marinig ang ating mga local government units na katuwang sa pagpapatupad ng proyektong ito. Ano ang kanilang karanasan? Ano ang mga balakid na kanilang hinaharap? At ano ang mga repormang kinakailangan upang mapabilis ang implementasyon?” dagdag pa niya.
Inaasahan ding tatalakayin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung paano nito mapabibilis ang pagpapatupad ng mga proyekto sa pagpapatayo ng mga silid-aralan na nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon, kabilang ang mga hakbang upang mapabilis ang procurement, konstruksyon, at turnover ng mga natapos na silid-aralan, gayundin ang mga repormang magpapaiwas sa mga pagkaantala sa implementasyon.
Sa kanyang parte, hinikayat ni Senator JV Ejercito, chairperson ng Committee on Finance, ang mga ahensiya ng gobyerno na bilisan ang pagtatayo ng silid-aralan sa ikalawang bahagi ng taon para maabot ang target. Ernie Reyes