MANILA, Philippines — Lumampas ng ₱11.478 bilyon sa itinakdang revenue target ang Bureau of Customs (BOC) sa unang anim na buwan ng 2026, matapos makakolekta ng kabuuang ₱491.748 bilyon mula Enero hanggang Hunyo.
Ayon sa BOC, katumbas ito ng 2.4 porsiyentong pag-angat sa target na koleksiyon, na nagpapakita ng patuloy na paglakas ng pangongolekta ng ahensya kasabay ng pagsigla ng lehitimong kalakalan sa bansa.
Sinabi ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na malaking bahagi ng tagumpay ang kooperasyon ng mga importer, exporter at iba pang stakeholder na patuloy na sumusunod sa mga batas at regulasyon sa adwana.
Ayon kay Nepomuceno, hindi lamang tagumpay ng Bureau of Customs ang naitalang paglampas sa target kundi bunga rin ito ng pagtutulungan ng pribadong sektor at ng pamahalaan upang mapanatiling maayos ang daloy ng kalakalan at mapalakas ang ekonomiya.
Dagdag pa ng komisyoner, ang tiwala at pakikipagtulungan ng trading community ay nakatutulong sa pagpapatuloy ng operasyon ng mga negosyo, paglikha ng trabaho at pagpapalawak ng oportunidad para sa mga Pilipino.
Tiniyak naman ng BOC na ipagpapatuloy nito ang mga reporma at modernisasyon sa customs administration upang higit pang mapabilis ang pagproseso ng mga lehitimong kalakal at mapangalagaan ang koleksiyon ng pamahalaan.
Binigyang-diin din ng ahensya na mananatili itong nakatuon sa pagpapatupad ng integridad, transparency at accountability sa lahat ng transaksyon bilang suporta sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon ng moderno at globally competitive na ekonomiya.
Kasabay nito, nagpahayag ng pasasalamat si Nepomuceno sa lahat ng importer, exporter at stakeholder na patuloy na katuwang ng BOC sa pagkamit ng mataas na koleksiyon at pagpapaunlad ng kalakalan sa bansa. JAY Reyes