Home NATIONWIDE Mayor Guo pumalag, walang ideya sa criminal records ng business partners

Mayor Guo pumalag, walang ideya sa criminal records ng business partners

MANILA, Philippines – Pumalag si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pahayag na may mga criminal record ang kanyang mga naging kasosyo sa negosyo.

Ani Guo, hindi niya alam ang patungkol dito at nalaman niya lamang ito sa pamamagitan ng social media.

Sa pagtestigo sa Senate hearing, sinabi ni GUo na nalaman niya lamang kamakailan ang criminal records ng kanyang mga co-incoporator sa pamamagitan ng Facebook post ni Senador Risa Hontiveros nitong Martes, Mayo 21.

“Your honor, nalaman ko po kahapon doon sa Facebook post niyo po. After ko malaman, sinearch ko sila,” sinabi ni Guo kay Hontiveros nang tanungin kung alam ba niya na mga money launderer ang mga naging kasosyo niya sa negosyo.

“Kahapon nakita ko sa Facebook post niyo po, na sila ay money launderer sa Singapore at nag-research ako through Google din at nakita ko ay ‘yung dalawa ay sangkot sa money laundering sa Singapore at kahapon ko lang nalaman gawa ng nakita ko sa Facebook post niyo, Madam Chairman,” dagdag pa niya.

Sa pahayag nitong Martes, sinabi ni Hontiveros na batay sa mga dokumento sa Securities and Exchange Commission noong 2019 ng Baofu Land Development Inc., ang incorporators ng Baofu ay sina Guo, Rachel Joan Malonzo Carreon, isang Filipino; Zhiyang Huang, isang Cypriot; Zhang Ruijin, isang Chinese; at Baoying Lin, isang Dominican.

Ani Guo, isa lamang sa kanila ang personal niyang nakausap.

Sa pahayag ni Hontiveros, binanggit niya ang ulat sa balita tungkol sa pagkakasangkot ni Zhang Ruijin sa “largest money laundering case in Singapore.”

Sa report din ng Channel News Asia, sinabi pa ni Hontiveros na ang Chinese national ay may “$41 million in assets overseas, including shareholdings in a Philippine real estate development company.”

Dagdag pa, si Baoying Lin ay mayroon ding criminal charges.

Matatandaan na ni-raid noong Marso ang Zun Yuan Technology Incorporated, isang Philippine offshore gaming operator (POGO) dahil sa mga illegal na aktibidad nito na nag-ooperate sa loob mismo ng Baofu compound sa likod lamang ng munisipyo ng Bamban. RNT/JGC