Home NATIONWIDE Bong Go: 4PH housing program isabatas

Bong Go: 4PH housing program isabatas

MANILA, Philippines – Isinulong ni Senator Christopher “Bong” Go na maisabatas ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program, isang flagship program ng Marcos administration.

Layunin ng inisyatiba na maibsan ang matinding backlog sa pabahay na sumasalot sa bansa.

Inihain ni Go ang Senate Bill No. 2108 na naglalayong gawing institusyonal ang 4PH Program.

Kung maisasabatas, mailalatag ang komprehensibong diskarte sa pabahay, abot-kaya at mabilis ma-access na mga proyektong pabahay sa mga higit na nangangailangan.

“For the longest time, we have seen the disheartening sight of informal settlements in our country. Marami sa ating mga kababayan ang nakatira sa mga barong-barong, walang maayos na bubong at palikuran, at palaging may pangamba na sila ay mapalayas,” ani Go na itinampok ang malupit na realidad na kinakaharap ng maraming Pilipinong nabubuhay na malayo sa pamantayang mga kondisyon.

Iniulat ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang nakalulungkot na kakapusan sa pabahay na aabot sa 6.75 milyong yunit. Ito ay inaasahang tataas pa sa 22 milyong yunit sa pagsapit ng 2040 kung hindi agad maaaksyonan.

Binigyang-diin ni Go na ang isyung ito ay higit pa sa mga istatistika na kumakatawan sa mga pamilyang nakikibaka araw-araw para sa katatagan, seguridad, at pag-asa.

“Ang pagtugon sa backlog na ito ay hindi lamang isang usapin ng imprastraktura. Ito ay tungkol sa pagpapanumbalik sa dignidad, pagtataguyod ng katarungang panlipunan, at pagpapaunlad ng inclusive growth.”

“Ang disenteng pabahay ay isang batayang karapatang pantao,” idiniin ni Go.

Aniya, kapag tinugunan ang kakulangan sa pabahay ay binibigyang daan ang mas mabuting kalusugan, pinabuting edukasyon, at mas malaking oportunidad sa ekonomiya para sa lahat.

Noong Lunes, nagsagawa ng pampublikong pagdinig ang Senate committee on urban planning, housing, and resettlement, na pinamumunuan ni Senator JV Ejercito, sa panukala.

Naniniwala sina Go at Ejercito na ang pagsasabatas sa 4PH Program ay magtitiyak ng pagpopondo para sa abot-kaya at disenteng pabahay para sa mga mahihirap o walang tirahan na mamamayan.

Nauna na ring naglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Executive Order No. 34, na nagdedeklara sa 4PH bilang flagship program ng gobyerno.

Ang direktibang ito ay nag-utos sa lahat ng ahensya ng gobyerno na tukuyin ang mga angkop na lupain para sa programa. RNT