Home NATIONWIDE Kudeta vs Zubiri, inamin ni Escudero

Kudeta vs Zubiri, inamin ni Escudero

MANILA, Philippines – Inamin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Martes, Mayo 21 na siya mismo ang nagpasimuno ng pagpapatalsik kay Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri bilang hepe ng Mataas na Kapulungan.

Sa ambush interview, binanggit ni Escudero na nagsimula siyang makipag-usap sa kasamahan nitong nakaraang Huwebes. Ngunit, alam na ni Zubiri ang pagkilos ni Escudero na gusto na siyang palitan.

“Thursday lang ako nagtanong at nagpasya,” ayon kay Escudero sa ambush interview.

Ayon kay Escudero, personal siyang nangampanya sa kasamahan sa pagpapalit ng liderato sa hindi binanggit na kadahilanan.

“When I say, sinimulan kong makipag-usap dahil marami naman na at that time na may agam-agam,” ayon kya Escudero ngunit ayaw nitong banggitin kung ano ang “concerns” ng kasamahan.

Pinabulaanan din ni Escudero na nakipag-usap siya kina House Speaker Martin Romualdez, First Lady Liza Araneta- Marcos o kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hinggil sa naturang kudeta.

“Nagkita kami last week Wednesday, birthday ng ilang congressman kasama yung kapatid ko but that was open public gathering,” ayon kay Escudero.

Walang pag-uusap hinggil sa pagpapalit ng liderato, paliwanag pa ni Escudero dahil hindi maaaring makialam umano ang Palasyo o ag Mabaang Kapulungan sa Senado dahil magkapantay lang sila.

Ayon kay Escudero, naisapinak ang kanyang suporta mula sa 13 senador nitong Linggo ng gabi.

Nitong Lunes, pinalitan ni Escudero si Zubiri bilang Senate President matapos makakuha ng 14 boto mula sa kasamahan.

Sumuporta kay Escudero sina Senador Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Ronald dela Rosa, Jinggoy Estrada, Bong Go, Lito Lapid, Imee Marcos, Bong Revilla Jr., Francis Tolentino, Raffy Tulfo, Robin Padilla, Grace Poe, Cynthia Villar at Mark Villar.

Pumabor naman kay Zubiri sina Senador Loren Legarda, Joel Villanueva, Sonny Angara, Nancy Binay, Sherwin Gatchalian, at JV Ejercito.

Nanatili naman ang status quo nina Senador Aquilino “Koko” Pimentel III at Risa Hontiveros, bilang miyembro ng minority bloc. Ernie Reyes