Home HOME BANNER STORY Banaue Rice Terraces nailipat ng DOT sa Benguet?

Banaue Rice Terraces nailipat ng DOT sa Benguet?

151
0

MANILA, Philippines – Kailan pa nailipat ang Banaue Rice Terraces sa Benguet?

Ito ngayon ang katanungan ng publiko sa viral na poster ng Department of Tourism na nagpo-promote sa nasabing pinakasikat na tourist destination sa Pilipinas.

Isang billboard poster na naka-display sa Terminal 4 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nag-imbita sa publiko na bisitahin ang Banaue Rice Terraces sa Benguet.

Ngunit ang kilalang National Cultural Treasure sa buong mundo ay nasa probinsya ng Ifugao.

Napansin ng archaeologist na si Stephen Acabado ang pagkakamali at nagpasya na kumuha ng litrato na ibinahagi niya sa social media.

Sinabi ni Acabado na nagulat siya nang makita niya ang patalastas mula nang magsagawa siya ng pag-aaral sa Banaue Rice Terraces bilang bahagi ng kanyang karera.

Ipinadala naman ni Acabado ang larawan kay Marlon Martin, ang chief operating officer ng Save the Ifugao Terraces Movement.

“Nagpo-promote ng tourism. E baka may napunta na nga ng Benguet naghahanap ng Rice Terraces. Kawawa naman ang turista,” ani Martin.

Upang maituwid ang pagkakamali, ipinasa naman ni Martin ang larawan sa regional director ng Ifugao Tourism upang maiulat ang pagkakamali sa pangunahing tanggapan ng Tourism Department.

“Imagine the Department of Tourism hindi alam anong pinaglalagay. Accountability rin ng mga officials natin kahit sabihin pa na may contractor na gumawa nyan ‘di ba? Pero look out nila ‘yun,” dagdag pa ni Martin.

Inalis na ang nasabing poster.

Noong 2023, ang AVP na ginamit sa paglulunsad ng nasabing kampanya ay umani ng batikos sa paggamit ng stock footage na kinuha mula sa ibang mga bansa upang ilarawan ang Pilipinas.

Humingi na ng paumanhin ang DOT para sa pagkakamali. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here