MANILA, Philippines – Nasa labimpitong (17) indibidwal kabilang ang sampung mga bata at isang buntis ang muntik nang malunod ang nasagip ng mga rescuer matapos lumubog ang ginamit na bangkang pangisda sa ginanap na fluvial parade ng Aglipayan/Aglipay Catholic Church nitong Huwebes sa dagat ng Mariveles, Bataan.
Sa ulat, ang nasabing fluvial parade ay taunang isinasagawa sa Mariveles bilang tradisyon sa pagdiriwang o selebrasyon ng Feast of St. Nicholas of Tolentine.
Kilala sa ang selebrasyon na ito sa Bataan na tinawag na “Apo Kulas”, bilang Patron Santo (Saint) ng mga Katoliko at maging ng Aglipayan Catholic Church sa bansa.
Nagtulong ang PCG at Mariveles Disaster Risk and Reduction Management Office (MDRRMO) para sagipin ang mga deboto makaraang makahingi ng saklolo ang mga naroon sa okasyon.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng paglubog ng ginamit na bangkang pangisda. ROEL TARAYAO