Home METRO Bangkay ng kasambahay, isinilid sa drum!

Bangkay ng kasambahay, isinilid sa drum!

CAINTA, Rizal- Inaalam na ng mga awtoridad ang responsable sa karumal-dumal na pagpatay sa isang babaeng kasambahay matapos matagpuan ang bangkay nito sa loob ng drum, iniulat kahapon sa lalawigan ito.

Kinilala ang biktimang si Maribel Vilma Bacsal, 42, at residente sa nasabing bayan.

Ayon kay Police Major Alfonso Saligumba ng Cainta Police Station, nakatanggap sila ng report mula sa tiyahin ng biktimang si Ruby Bacsal na natagpuan nito ang bangkay ng kanyang pamangkin sa loob ng drum sa bakuran bahay ng kanilang amo na parehong matanda na ang isa ay bedridden.

Kwento ni Ruby, huling nakitang buhay ang biktimang pumasok sa kanyang trabaho noong Huwebes subalit hindi na ito nakauwi pa.

Aniya, tinanong pa nila ang kanilang amo kung pumasok ang kanyang pamangkin subalit ang sagot sa kanya ay hindi ito pumasok.

Hanggang sa napansin niya ang mga gamit ng kanyang pamangkin kaya lalo na siyang kinabahan. Hanggang sa nakita nito ang dalawang drum na pinagpatanong at nakita ang bangkay ng biktima sa loob dahilan para humingi na siya ng tulong sa pulisya.

Sinabi naman ni Saligumba na susuriin nila ang mga CCTV camera malapit sa lugar para makakalap ng karagdagang ebidensya at matukoy ang salarin maging ang motibo nito sa krimen.

Isinailalim na rin sa otopsiya ang bangkay ng biktima para malaman ang sanhi ng pagkamatay nito. Mary Anne Sapico