Home METRO Bangkay ng kelot, umalingasaw sa kanyang bahay

Bangkay ng kelot, umalingasaw sa kanyang bahay

CAVITE – Isang bangkay ng lalaki ang nadiskubre sa loob ng kanyang tahanan sa Barangay Humbac, Naic, Cavite matapos mapansin ng mga kapitbahay ang masangsang na amoy na nagmumula sa loob ng bahay.

Kinilala ang biktima na si Michael Casasola, 54-anyos, isang binata.

Ayon kay Nestor Delgado, kapitbahay ng biktima, agad nilang ipinagbigay-alam sa Naic Municipal Police Station ang matinding amoy na kanilang naamoy mula sa bahay ni Casasola.

Dakong alas-10:29 ng umaga noong Sabado, Marso 22, nang pasukin ng mga awtoridad ang bahay ng biktima at matagpuan ang kanyang bangkay.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, wala silang nakitang palatandaan ng puwersahang pagpasok o anumang palatandaan ng kaguluhan sa loob ng bahay.

Dahil dito, lumalabas na maaaring nagpakamatay ang biktima, bagamat hindi pa ibinunyag ang karagdagang detalye habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng pagkamatay ni Casasola. Margie Bautista