MANILA, Philippines — Lumutang ang bangkay ng isanglalaki sa ilog sa ilalim ng C4 Bridge, Malabon City, umaga nitong Sabado.
Kinilala ng Malabon City police na nakita ng mangangalakal ng basura ang bangkay.
“Sabi ng nakakita, lumulutang-lutang daw ito [habang napapalibutan] ng basura. Dahil mangunguha nga siya ng kalakal, akala niya kalakal lang din,” saad ni PCpt. Fatima Esqueta, staff duty officer ng Malabon City Police Station.
“Nakita niya na tao pala ito. Doon n’ya na ni-report sa ating barangay.”
Dagdag ng pulisya, nakasuot ng jacket, pantalon, at bota ang lalaki na tinatayang nasa 40 hanggang 45 taong gulang habang nasa 5’5″ hanggang 5’7″ ang tangkad.
Ayon sa ilang residente sa lugar na nakakita sa pagkuha sa katawan ng lalaki, isang timba na may lamang mga graba ang nakatali sa leeg niya.
Ayon sa pulisya, walang nakitang sugat sa katawan ng lalaki.
Wala rin umanong nakitang ID o anumang dokumento mula sa lalaki na makakatulong sa pagtukoy sa kanyang pagkakakilanlan.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Malabon City police. RNT