Sa pakikipagtulungan kay Vice Mayor Richie David, inayudahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga komunidad na naapektuhan ng oil spill kamakailan sa Limay, Bataan.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng pagkabahala si Go para sa epekto sa kapaligiran at sa kalusugan ng oil spill.
Bumisita sa nasabing bayan ang Malasakit Team ni Go para mamahagi ng grocery packs sa 500 apektadong residente noong Biyernes.
“Nakikiisa ako sa inyo sa panahon ng pagsubok na ito. Gagawin natin ang lahat ng ating makakaya upang makatulong sa mga pamilyang apektado ng oil spill,” sabi ni Go.
Ang oil spill disaster ay dulot ng pagtaob ng MT Terranova noong Hulyo 25 sa silangang bahagi ng Bataan Peninsula, habang patungo ito sa Iloilo, karga ang nasa 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil.
Hindi lang mga coastal barangay sa Bataan ang naapektuhan ng oil spill kundi maging ang ilang coastal areas sa Cavite.
Dahil sa potensyal na panganib sa kalusugan na dulot ng oil spill, idiiin ni Go, chairman ng Senate committee on health and demography, ang kahalagahan ng accessible na mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan.
Binigyang-diin niya ang inisyatiba ng Super Health Centers, na naglalayong magbigay ng pangunahing pangangalagang medikal sa mga lugar na kulang sa serbisyo.
“Sa pag-iikot ko sa bansa, nakita ko na kailangan nating palawakin ang ating health services, lalo na sa mga lugar na katulad nito. Kaya isinusulong ko ang pagtatayo ng Super Health Centers sa mga strategic na lugar para matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan,” ani Go.
Nag-aalok ang Super Health Center ng iba’t ibang serbisyo, kabilang ang outpatient care, birthing facilities, diagnostic services, pharmacy, at telemedicine na titiyak na kahit ang mga nasa malayong komunidad ay magkakaroon ng access sa essential healthcare.
Hinikayat din ni Go ang mga residenteng nangangailangan ng tulong medikal na lumapit sa Malasakit Center sa Bataan General Hospital and Medical Center sa Balanga City.
Bilang pangunahing may-akda at sponsor ng Malasakit Centers Act, ipinagmamalaki ni Go ang pagtatatag ng 166 Malasakit Centers sa buong bansa na nakapagsilbi na sa humigit-kumulang 10 milyong Pilipino hanggang sa kasalukuyan, batay sa datos ng DOH.