MANILA, Philippines – ISANG bangkay ng lalaki ang lumutang nang humupa ang malakas na agos ng ilog kahapon sa Navotas City.
Alas-6:55 ng umaga nang makita ng mangingisdang si Noel Mabini, 49, ang lumulutang na bangkay sa Bangkulasi River, sa tabi ng tulay ng Bagumbayan South.
Ipinagbigay alam naman agad ni Mabini sa barangay ang insidente kayat humingi sila agad ng tulong sa rescue team ng lungsod upang maiahon ang bangkay.
May hinala ang pulisya na ilang araw nang patay ang hindi pa kilalang lalaki dahil halos lumobo na ang kanyang bangkay habang nakababad sa tubig.
Nagsagawa naman ng pag-proseso sa bangkay ang tauhan ng Northern Police District Forensic Unit (NPD-FU) upang alamin ang sanhi ng pagkamatay ng lalaki na sa pang-unang imbestigasyon ay posibleng nalunod dahil walang nakitang sugat sa kanyang katawan.
Ayon kay Col. Cortes, makikipag-ugnayan sila sa kinauukulang ahensiya na may datos ng mga nawawala pang mga biktima ng bagyong Enteng sa Metro Manila dahil posibleng tinangay ng malakas na agos mula sa hindi pa batid ng lugar ang lalaki na hinihinalang nalunod sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan. Merly Duero