Home METRO Suspek na pumatay sa pasyente sa ospital sa Cavite, sumuko na

Suspek na pumatay sa pasyente sa ospital sa Cavite, sumuko na

MANILA, Philippines – Kusang-loob na sumuko kay Dasmarinas City Mayor Jenny Austria Barzaga ang umano’y isa sa mga suspek sa ginawang pagpatay sa babaeng pasyente na nasa Emergency room ng Hospital sa Dasmariñas City, Cavite.

Dakong alas-9:30 ng umaga nang sumuko kay Mayor Barzaga ang isa sa tatlong suspek sa pagpatay sa babaeng biktima na kinilalang si alyas Chatty Timbang,36 anyos na nakaratay sa emergency room ng Pagamutang Bayan ng Dasmarinas noong Agosto 29, 2024.

Sa naganap na pamamaril, nadamay din ang ina ng biktima na siyang nagbabantay dito at ang secuirty guard ng hospital at isa pang helper na ngayon ay nasa maayos na mga kalagayan.

Ayon kay Mayor Barzaga, sa tulong ng pamilya ng suspek at barangay kapitan ng Brgy. San Miguel ng naturang lungsod ay kusang loob umano itong sumuko upang linisin ang kanyang pangalan nang nakarating sa kaalaman ng suspek ang nakapatong na reward na P200,000 sa posibleng makakapagturo sa suspek.

Base naman sa salaysay ng suspek, mariin nitong itinanggi ang ginawang pagbaril sa biktima.

Kaya umano ito sumuko ay upang linisin ang kaniyang pangalan matapos na mailathala sa Facebook Page ni Mayor Barzaga ang pabuyang inilaan para sa mga suspek.

Ayon sa suspek na si alyas Rommel, sumuko umano siya hinggil sa natakot sa pagkalat ng kaniyang larawan sa social media at reward na ipinatong dito.

Sa pahayag pa nito, nang nasabing araw at oras ng pagpatay ay wala umano siya sa lalawigan ng Cavite at nasa kaniyang trabaho sa Bataan bilang delivery boy ng mga mineral water. Naglabas din ito ng CCTV mula sa kuha sa kaniyang pinagtatrabahuan.

Ayon kay PLtCol. Julius Balano, hepe ng Dasmarinas CPS batay sa kanilang mga ebidensya bukod pa sa pagturo mismo ng nabaril na biktima at unang suspek na nahuli nila, itinuturo ng mga ito ang suspek na si alyas Rommel na kasama sa ginawang krimen.

Nakaratay sa ER ng hospital ang biktima matapos na barilin ng suspek na si alyas Rommel kung kaya nakapagbigay pa ng pahayag sa pulisya ang biktima bago isagawa ang pagpatay dito ng nasabi ding suspek.

Kasalukuyan na tinutugis ng pulisya ang isa pang suspek na si alyas Urak at malaki umano ang posibilidad na mahuli na din ito hinggil sa may mga nakalap na silang impormasyon na hindi pa nakakalabas ng Cavite ang suspek.

Dagdag pa ni Col Balano, ang napatay na biktima ay impormant ng pulisya na siyang positibong dahilan kung bakit ito tinuluyan ng mga suspek.

Napag-alaman na inihain na rin sa sumukong suspek ang warrant of arrest laban sa biktima na siya rin umano ang responsable sa tangkang pagpatay na dalhin sa ospital ang biktima bago pa ito tuluyang patayin. Margie Bautista