MANILA, Philippines — Dalawang lalaki, kabilang ang isang bangkero, ang naaresto at nasamsaman ng tinatayang P374,000 halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Tagbilaran City, Bohol nitong Huwebes ng gabi, Setyembre 25.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Cyril”, 23-anyos na bangkero, at alyas “Alexander”, 19, kapwa residente ng Barangay Bolod, Panglao, isang barangay na dating idineklarang drug-cleared.
Nasabat sa kanila ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 55 gramo, ang marked money, isang cellphone at motorsiklo na umano’y gamit sa kanilang operasyon.
Ayon sa mga operatiba, bagong tukoy na drug personalities ang dalawa at minanmanan sa loob ng isang linggo bago isagawa ang operasyon dakong 8:26 p.m. sa Purok 6, Barangay Bool.
Lumabas sa imbestigasyon na nakakapagbenta umano ang mga suspek ng hanggang 150 gramo ng shabu kada buwan, patunay ng aktibong partisipasyon sa lokal na bentahan ng iligal na droga.
Ang nakumpiskang droga ay dinala na sa PDEA laboratory para sa pagsusuri, habang nakakulong na sa Tagbilaran City Police Station ang mga suspek.
Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may parusang habangbuhay na pagkakakulong at multang P500,000 hanggang P10 milyon. RNT/JGC