Home HOME BANNER STORY Banta ng bird flu sa presyo ng itlog, aagapan ng DA

Banta ng bird flu sa presyo ng itlog, aagapan ng DA

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) nitong Sabado, Pebrero 1 na gumagawa na ito ng mga hakbang para panatilihin ang presyo ng itlog at labanan ang posibleng taas-presyo dahil sa bird flu.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nagdulot ng matinding pagtaas sa presyo ng itlog ang bird flu outbreak sa US.

Bagamat wala pang nararanasan na outbreak sa bird flu dito sa Pilipinas, posibleng makaranas umano ng shortage sa suplay ng itlog pagsapit ng Abril.

“Ang problema dito sa shortage na ito is because last year naman, sobrang raming itlog na bumagsak ang presyo sa farmgate ng P4 bawat piraso. Maraming nalugi. Yung mga nalugi naman, kinatay nila yung mga layers nila para magkaroon ng cash,” paliwanag ni Laurel.

Para tugunan ito ay pinabibilis na ng DA ang importation ng egg-laying chickens at nakikipagtulungan na sa Food and Drug Administration (FDA) para makakuha ng approval para sa avian influenza vaccine.

“Ang pinakamalaking tulong na mabibigay ng DA sa industriya is to faciliate yung kanilang pagi-import ng mga bagong layers into the country, ma fast track yan,” ayon pa sa Agriculture Secretary.

“May chance pa naman ma avert itong sinasabi ko sa Abril dahil Pebrero pa lang naman. But at least, looking forward, there is a problem, and we will act on it.”

Sa kabila nito, pinawi naman ng Philippine Egg Board Association (PEBA) ang pangamba sa shortage at sinabi na nananatiling stable ang suplay nito hangga’t hindi mangyayari ang major bird flu outbreak.

“Ang projection po natin itong taon is meron tayong ine-expect na over supply sa production po ng itlog,” pahayag ni PEBA President Francis Uyehara.

“Yung mga dumating na parent stock last year, ngayon po magsisimula yon maging productive. [Pero], kung magkaroon ng outbreak magkakaproblema po tayo sa supply po ng itlog.” RNT/JGC