MANILA, Philippines – Inisnab ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang pagtutol ng China sa partisipasyon ng Pilipinas sa Balikatan military exercises at mga kasunduan sa kalakalan sa Estados Unidos, at tinawag itong “propaganda.”
Binibigyang-diin ni Teodoro na may kalayaan ang Pilipinas na gumawa ng sariling desisyon, kabilang ang makipagtulungan sa mga US military drills.
“Ito sabi nila, ‘Appeasement cannot bring peace and compromise cannot win respect. For one’s own temporary selfish interest sacrificing the interest of others in exchange for support and so on,’” anang Defense chief.
“Bakit pagdating naman sa atin, iba naman ang gusto nilang gawin natin. So iba po ang sinasabi nila kapag sila ang naapektuhan kaysa sila po ang agrabyado talaga. Ang ginagawa nila sa atin ay nagtatangkang sumupil sa atin. Tayo ba ay mag-a-appease o magko-compromise e sila nga mismo sinasabi hindi sila nagko-kompromiso. So anong tama doon?” dagdag pa ng kalihim.
Pinuna ng gobyerno ng China ang Pilipinas dahil sa pagho-host ng malakihang military drills na umano’y nagdudulot ng hindi pagkaka-stability sa rehiyon.
Tumugon si Teodoro na ang mga pahayag ng China ay layuning supilin ang Pilipinas at tinanong kung bakit sila magsasakripisyo kapag ang China mismo ay hindi pumapayag sa kompromiso.
Binigyang-diin niya ang karapatan ng Pilipinas na kumilos alinsunod sa pambansang interes nito nang hindi sumusunod sa banyagang presyon. RNT