
GUSTO nating walang krimen na maganap kahit saan, kahit kailan at kahit kanino.
Ito’y dahil perwisyo naman talaga sa kahit kanino.
Hindi lang sa mga direktang nasasangkot kundi maging sa iba na walang kinalaman.
Ang masama pa, pati ang pamahalaan at buong bayan nadadamay.
EPEKTO SA PINAS
Ukol sa mga dayuhang biktima, isa sa mga pinakahuli ang Koreanong hinoldap at binaril sa Angeles City.
Nasa harapan ito ng bangko dakong 1:50 ng hapon noong Linggo, kasama ang isa pang Koreano, nang biglang lumapit at huminto sa kanila ang riding-in-tandem sa motorsiklo para holdapin ito.
Nang pumalag ang dayuhan, binaril ito na kanyang ikinamatay.
Hanggang sa tinitipa natin ito, mga Bro, wala pang ulat sa pagkakilanlan o nahuli na ang mga suspek.
Nauna rito, solb na ang pagpatay at pag-rape sa Slovakian national na si Michaela Mickova noong Marso 2025.
Sa tulong ng CCTV, nahuli ang tatlong residente ng Boracay at napag-alamang makaraang reypin ang biktima, pinatay ito sa pagbasag sa kanyang mukha.
Ang punto, mahuli man o hindi ang may kagagawan ng mga krimen, malaking masamang balita naman sa mga dayuhan at sira ang kampanyang turismo ng ating pamahalaan na malaki pa namang pinagkakakitaan ng mga mamamayan at pamahalaan.
Pero marami talaga ang iba pang krimen na nagaganap gaya ng mga holdap, pandurukot, salisi at paniningil ng sobrang pasahe sa mga dayuhan maging sa Metro Manila, kasama na ang Esplanage sa Pasig River sa Intramuros sa Manila.
MGA PULIS
Pero hindi lang naman ang mga sibilyan ang may gawa ng mga krimen.
Nakatatakot ngang isipin na may na ginagamit ang kanilang kapangyarihan sa paggawa ng krimen.
Kasama sa mga abusado sa kapangyarihan ang pulis na na pumasok sa bahay ng may bahay habang lasing sa Quezon City at nanakit maging sa mga bata.
Hayun, nagkandaloko-loko ang pulisya dahil nasibak mismo si QC police director Brig. Gen. Melecio Buslig Jr. sa hindi agad na pag-report ukol sa krimen sa nakatataas.
May tatlo pang sinibak din dahil sa pagpapalabas naman ng isang babaeng preso at ineskortan pa ng dalawang pulis para bumisita ito sa kanyang pamilya.
Pero ang higit na nakatatakot ay ang pagkakasangkot ng mga pulis na sinibak pero nanatili o nakabalik at gumawa ulit ng kaparehong krimen gaya ng robbery-extortion.
Pitong pulis ang nahuli makaraang magsagawa ng kunwaring raid sa isang Chinese sa Las Piñas City ngunit mangulimbat lang pala ang pakay.
Miyembro sila ng Eastern Police District at tumangay ng nasa P85 milyong halaga ng cash, alahas at iba pa.
Nagpalusot pa ang mga ito na ang P12 milyon ay suhol sa kanila para malibre krimen ang Tsinoy na hinulidap nila.
Nahuli man ang mga ito, inilalarawan lang ng pangyayari na naglipana ang mga pulis na iskalawag at nakatatakot ito.
Sa dalawang taong magkasunod, iniuulat mismo ng mga awtoridad na aabot sa 1,000 ang mga sinisibak sa serbisyo sa paggawa ng mga mabibigat na krimen.
Ilan kaya ang mga nakababalik sa serbisyo sa 1,000 at katulad ng mga dating Mandaluyong police ngunit naging Eastern Police District sila para magsagawa ng mabibigat na krimen?
Paano kaya kontrolin ang krimen?