
NANG bumagsak nang malaki ang pagtitiwala at pagsang-ayon ng mga Pinoy kay Pangulong Bongbong Marcos nitong Marso 2025 sa Pulse Asia survey, kabilang sa malalaking dahilan na inginuso ang naglipanang fake news o paninira umano laban sa Pangulo.
Ayon sa survey na isinagawa sa Luzon, Visayas at Mindanao noong Marso 23-29, 2025 na 2,400 ang tumugon, bumagsak ang pagtitiwala kay Pang. Bongbong sa 54 porsyento mula sa 42% noong Pebrero 2025, gayundin ang pag-apruba sa ginagawa nito sa 53% mula sa 42% noong Pebrero rin.
Nasa 25% lang ang nagtitiwala at nag-aapruba habang naglaro sa 22% ang walang pagpapasya.
Sa mga isyu naman, masama rin ang iskor: Pagkontrol sa mataas na presyo – 79% ‘di aprub, 3% aprub; laban sa katiwalian – 53% ‘di aprub, 13% aprub; laban sa kahirapan – 48% ‘di aprub, 12% aprub; at pagtaas ng sahod – 48 ‘di aprub, 16 aprub.
Tanging sa proteksyon ng mga overseas Filipino worker at tugon sa mga biktima ng kalamidad may 51% aprub.
Sa kabilang banda, tumaas sa 59% ang aprub at 61% ang pagtitiwala kay Vice President Sara Duterte.
Sabi ng Malakanyang, pinangingibabawan umano ng mga fake news ang totoong news ukol kay Pang. Bongbong kaya todo aksyon ito laban sa fake news.
Totoo kayang fake news ang mataas na presyo ng mga bilihin, at serbisyo gaya ng kuryente at pamasahe; katiwalian; kahirapan; at kawalan o kakulangan ng trabaho at kita?
Totoo kayang dala lang ng fake news o paninira lang ang pinag-ugatan ng bagsak na grado ng Pangulo at hindi ang tunay na karanasan ng mga tao?
Totoo bang hindi dala ng 2,400 respondent ang damdamin ng mahigit 100 milyong Pinoy sa sarbey?