Home OPINION WORLD DAY FOR SAFETY AND HEALTH NG DOLE, KASADO NA

WORLD DAY FOR SAFETY AND HEALTH NG DOLE, KASADO NA

HANDANG-HANDA na ang Occupational Safety and Health Center ng Department of Labor and Employment sa pagsasagawa ng taunang selebrasyon ng World Day for Safety and Health. Pormal na gaganapin ang okasyon sa darating na Lunes, April 28, 2025 sa loob ng bakuran ng OSHC sa Quezon City.

Pihadong ang tema ay naaayon sa layunin ng International Labor Organization ngayong taon na palakasin ang OSH adaptation dahil sa artificial intelligence at digitalization sa working environment. Dagdag pa rito ang mga aktibidad tulad ng sharing of information ng mga best practice mula sa iba’t-ibang sektor at mga plano ng kagawaran na makatutulong sa risk reduction.

Pangungunahan ng ating kaibigan at kasalukuyang OSHC Executive Director na si Engr. Jomar Batino ang seremonya at inaasahan din ang pagbibigay ng mensahe ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma. Isa tayo sa pinalad na makarehistro upang makadalo sa napakahalagang pagtitipon kaya hindi natin palalagpasin ang pagkakataong ito.

Marami nang accomplishment ang pamahalaan sa paniniguro ng isang ligtas at malusog na working environment. Kailangan lamang itong magpatuloy at pag-ibayuhin sa pamamagitan ng kooperasyon at commitment mula sa hanay ng mga stakeholder tulad ng ibang ahensiya ng pamahalaan, local government unit, employer, contractor, non-governmental organization, manggagawa at iba pa.

Napakapalad nating lahat dahil hindi tumitigil ang DOLE sa pagpapalakas ng safety and health sa ating bansa. Malaki kasi ang impact sa negosyo at ekonomiya kung patuloy na may naaaksidente at nagkakasakit sa trabaho kaya nararapat lamang ang tuloy-tuloy na strategical campaign at walang puknat na pagbibigay ng awareness sa publiko upang masiguro ang pag-iwas sa anomang aberya.

Magiging gabay din ang mga ito upang malutas ang anomang hindi pagkakaunawaan ng employer at manggagawa sa isyu ng karapatang maging ligtas at malusog.

Suportado natin ang World Day for Safety and Health. Mabuhay ang DOLE, OSHC, employers, manggagawa at iba pang stakeholders!