MANILA, Philippines – Seryoso, aktuwal at totoo ang banta sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez mula sa mga binitiwang pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang binigyang-diin ni Atty. Jeremy Lotoc, opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI), sa kanyang pagtestigo sa harap ng Senate impeachment court bilang ikalawang saksi ng House prosecution panel.
Ayon kay Lotoc, na siyang namuno sa NBI Cybercrime Division noong 2024 at nangasiwa sa imbestigasyon, sapat ang nakitang prima facie evidence upang sampahan ng mga kriminal na kaso ang Bise Presidente.
“To me, as the chief investigator at that time, the utterance made by the Vice President was serious, and the threat was real and actual, sir,” pahayag ni Lotoc sa direktang pagtatanong ni House prosecutors’ counsel Amando Virgil Ligutan.
Sa pagtatanong naman ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis Escudero, kinumpirma ni Lotoc na may sapat na basehan ang isinampa nilang tatlong counts ng grave threats at isang count ng inciting to sedition sa Department of Justice laban kay Duterte dahil pumasa ito sa legal standard na may “reasonable certainty of conviction” o kasiguruhan sa pagpapanalo ng kaso.
Ipinaliwanag ni Lotoc na nakarating sa ganitong konklusyon ang NBI matapos suriin ang online media briefing ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, ang mga nauna nitong pahayag noong Oktubre 18, 2024, ang reaksyon ng mga pinagbantaan, at ang tugon ng mga ahensya ng gobyerno.
Apat na factor umano ang sinuri ng mga investigator: ang paraan ng paghahatid ng pahayag, ang literal na kahulugan nito, ang utos ng Bise Presidente, at ang relasyon nito sa Pangulo upang matukoy kung ito ba ay bunsod lamang ng panandaliang galit o isang seryosong banta.
Ayon kay Lotoc, ang naging emosyon at kilos ni Duterte sa kanyang video recording noong Nobyembre 23 ang isa sa pinakamabigat na indikasyon.
“The Vice President was furious and fuming mad when she uttered those,” ani Lotoc. “Nakita ho namin doon sa video nung ni-review ho namin, Your Honor. If I’m not mistaken, I think more or less walong beses po siyang galit na galit at nagmumura, minumura ‘yung Presidente, si First Lady, and then si former Speaker of the House.”
Binigyang-diin din ng NBI na mas naging mapanganib ang pahayag ng Bise Presidente dahil sa pag-amin nitong may kinausap at kinontrata na siyang tao bago pa man ang naturang press conference.
“Mahalaga po ‘yan para sa amin. Basically, it’s indicative of intent that the utterances was deliberately made by the Vice President. And it really shows serious, actual, and real threat, Your Honor,” giit ng saksi.
Sa pagsusuri sa naging utos ni Duterte sa hitman na, “Huwag kang tumigil hangga’t hindi mo sila mapatay,” sinabi ni Lotoc na nagpapakita ito ng determinasyon na isakatuparan ang krimen.
Nagbabala rin siya na ang ganitong pahayag ay maaaring samantalahin ng ibang grupo upang maghasik ng kaguluhan at isisi ang krimen sa Bise Presidente.
“Even ‘yung triggering na phrase na ‘yun, pwedeng mag-take advantage doon ‘yung ibang grupo thinking na ‘pag in-assassinate natin ang tatlo, ang sisisihin ang Vice President… Para po sa amin sa law enforcement, medyo magiging disorder, magiging chaotic, magiging anarchy ‘yung society ‘pag hindi siya na-address,” paliwanag ni Lotoc.
Isinama rin sa ulat ng NBI ang naging opisyal na reaksyon ng mga biktima, partikular si Pangulong Marcos na nagpahayag noon ng labis na pagkabahala para sa seguridad ng bansa at ng mga karaniwang mamamayan.
“The President took the threat by the Vice President as serious and real,” paliwanag ni Lotoc.
Dagdag din nya ang pahayag ni Romualdez na tinawag ang mga pahayag na “dangerous,” “unprecedented,” at “isang banta sa demokrasya at sa seguridad ng bansa.” Gail Mendoza