MANILA, Philippines – Peke ang lahat ng baptismal certificates ng mga kapatid ni suspended Bamban Mayor Alice Guo na ginamit sa pagkuha ng birth certificate, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian sa isang pagdinig.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate blue ribbon committee sa pamumuno ni Senador Pia Cayetano hinggil sa pekeng birth certificates na naibigay sa dayuhan, sinabi ni Gatchalian na kanilang nadiskubre na pawang peke ang baptismal certificate nina Seimen Leal Guo at Wesley Leal Guo mula sa San Roque Parish Church sa Caloocan City.
Nakasulat sa dokumento na ipinalabas ito ng “Parokya ng San Roque.”
Nakatala sa “dokumento” na ipinanganak sina Seimen Guo at Wesley Guo saCaloocan City at ama nnila si “Angelito Guo” at inang si “Amelia Leal.”
“We requested for some documents and we found out na itong dalawang taong ito, si Seimen Leal Guo and si Wesley Leal Guo meron silang baptismal certificate coming from a church in Caloocan,” ayon kay Gatchalian.
Pero, natuklasan sa liham kay Gatchalian na may petsang June 6, pinabulaanan ng San Roque Cathedral Parish na binigyann nila ng baptismal certificates ang dalawang kapatid ni Guo.
“In reference to your request for a copy of the baptismal certificates… please be informed that we did not find any baptismal records of the said individuals,” ayon kay Parochial Vicar Rev. Fr. Leo Pepito.
Sanhi nito, napagtanto ni Gatchalian na peke ang baptismal certificates.
“In other words, itong baptismal certificate na binigay sa Caloocan is spurious, fake. Finake nila ‘yun,” aniya.
Aniya, ipinalabas ito ng isang Antonio Alcalde.
Sinabi naman ni Lucena Flores nbg Caloocan City Civil Registry Office, matagal nang namayapa si Alcalde.
“Unfortunately, namatay na po siya (he has passed away),” ayon kay Flores.
Nahaharap si Guo sa isang arrest order matapos itong mabigong dumalo sa huling pagdinig ng Senado higngil sa nilusob na Philippine Offshore Gaming Operator hub sa Tarlac.
Naunang kinumpirma ng National Bureau of Investigation na iisa ang fingerprint ni Guo at isang Chinese passport holder Guo Hua Ping. Ernie Reyes