Home NATIONWIDE Barangay chairman arestado sa kasong pagpatay sa 2 sundalo

Barangay chairman arestado sa kasong pagpatay sa 2 sundalo

266
0

MANILA, Philippines – ARESTADO ang isang barangay chairman matapos isilbi ang warrant of arrest sa kasong murder at frustrated murder kaugnay ng insidente ng pamamaril noong 2015 sa bayan ng Paranas na ikinasawi ng dalawang sundalo.

Kinilala lamang ang akusado sa pangalan “Antonio” ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na naaresto nitong Linggo sa bisa ng mga warrant of arrest na inilabas pa noong Nobyembre 2016.

Ayon sa pulisya, noong Mayo 15, 2015, ang akusado kasama ang 14 pang kasamahan ay umano’y namaril gamit ang matataas na kalibre ng baril laban sa mga tropa ng gobyerno sa Barangay Concepcion, Paranas.

Sa nasabing atake, agad na nasawi ang dalawang Private First Class na sundalo ng Armed Forces of the Philippines at muntik pang mamatay ang dalawa pang kasama nilang tropa.

Sinabi ng CIDG, mahigit siyam na taon umanong nakatakas sa mga awtoridad ang akusado sa pamamagitan ng paglilipat-lipat sa iba’t ibang lugar sa kabundukan ng barangay.

Pinuri naman ni CIDG Acting Director Police Brigadier General Christopher Abrahano ang matagumpay na operasyon ng Western Samar Provincial Field Unit.

“Itong operasyon ay patunay ng ating dedikasyon na hanapin at arestuhin ang lahat ng wanted persons at mga pugante sa buong bansa. Sa pag-arestong ito, nakatulong tayo para makamit ng mga biktima at kanilang pamilya ang hustisyang nararapat para sa kanila. Maraming salamat sa inyo,” ani Abrahano. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here