MANILA, Philippines – Patay sa pamamaril ang barangay councilor ng Barangay Upper Dumalinao sa Dumalinao, Zamboanga del Sur.
Kinilala ni Col. Restituto Pangusban, Zamboanga del Sur police director, ang biktima na si Michael Verallo.
Iniulat ng pulisya na sakay si Verallo ng puting XRM 125 na motorsiklo pauwi sa kanyang bahay sa Purok Mangga sa Barangay Upper Dumalinao nang lumabas mula sa madamong bahagi ng lugar ang dalawang hindi pa tukoy na gunmen at binaril ito nang makailang ulit.
Agad na tumakas ang mga gunman matapos ang pamamaril.
Ayon sa pulisya, si Verallo ay mayroong 17 gunshot wounds, 10 sa kanyang ulo, anim sa kanyang katawan at isa sa binti na sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Narekober ng mga imbestigador ang mga shell mula sa .45 kalibre at 9-mm pistola sa crime scene.
Nagpatawag ng emergency meeting si Pangusban nitong Sabado ng umaga, Enero 4, at lumikha ng special investigation team para pabilisin ang imbestigasyon sa pagpatay.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa pamilya ng biktima upang malaman ang posibleng motibo ng pamamaril. RNT/JGC