LA UNION- Patay ang isang barangay electrician matapos mabangga ng bus ang minamaneho nitong motorsiklo sa Brgy. Bangaoilan East, Bangar ng lalawigang ito kahapon ng umaga.
Ayon sa mga awtoridad, ang driver ng kulay itim na Keeway motorcycle ay residente ng Sudipen, La Union samantalang ang 33-anyos na driver ng Zhongtong Bus Partas ay residente naman ng Bangued, Abra.
Nabatid na ang dalawang sasakyan ay parehong bumiyahe papuntang timog sa national highway sa naturang lugar.
Tinangka umano ng Partas na mag-overtake sa sinusundan nitong Keeway motorcycle ngunit habang nasa proseso ito ng pag-overtake, ang naturang motorsiklo ay bigla namang nag-execute ng left turn papunta sa isang gasolinahan.
Pinilit na iwasan ng driver ng bus ang motorsiklo ngunit hindi na napigilan pa ang salpukan ng dalawang sasakyan sa northbound lane ng national highway.
Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang driver ng motorsiklo samantalan hindi naman nasaktan o nagalusan ang driver ng bus.
Isinugod sa ospital ang driver ng motorsiklo ngunit idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso