MANILA, Philippines- Arestado ang mag-live in partner na hinihinalang sangkot sa pagkasawi ng tatlong katao kabilang ang isang babae, dahil sa umano’y lihim na relasyon makaraang pagtatagain ang mga ito, kahapon sa Barangay Mayapa sa lungsod ng Calamba, Laguna.
Kinilala ng Calamba City Police Station ang mga biktimang nasawi na pawang nagtamo ng mga sugat sa parte ng katawan na sina Felix Anay Busion, 64, tubong Pilar, Bohol, alyas Vivian, nasa hustong gulang at Dante Luzano, nasa hustong gulang, caretaker, kapwa naninirahan sa nabanggit na lungsod.
Samantalang ang maglive-in partner na kaagad na naaresto sa isinagawang follow-up operation ng Calamba City PNP ay kinilala sa alyas na Anthony at Sheryl na pawang residente ng Barangay Mayapa Calamba City.
Base sa inisyal na report ng Calamba City Police Station kay PCol. Gauvin Mel Y. Unos, Provincial Director ng Laguna PPO, ganap na alas-7:20 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng tatlong biktima na duguan at walang buhay na nakahandusay sa nasabing lugar.
Napag-alaman sa pagsisiyasat ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente na huli umanong nakita ang tatlong biktima na kainuman ang mga suspek, kung saan makalipas ang ilang oras ay bigla na lamang umanong pinagtataga ang mga biktima na agarang ikinasawi ng mga ito.
Nabatid sa ulat na bago umano naganap ang pananaga sa mga biktima kamakailan ay kinompronta ng suspek (Anthony) ang biktimang si Dante matapos na paghinalaang may lihim na relasyon ang live-in partner (Sheryl) nito at ang biktimang si Dante.
Ang mga suspek ay kapwa nasa kustodiya ng Calamba City Police Station habang inihahanda ang kaukulang dokumento para sa isasampang kaso laban sa maglive-in partner.
“Binabati ko ang mga tauhan ng Calamba CCPS sa kanilang agarang aksyon upang maaresto ang mga suspek,” ayon kay PCol Unos. Ellen Apostol