MANILA, Philippines- Nangako si Senador Loren Legarda nitong Huwebes na maghahanap ng badyet upang pondohan ang Barangay Information Officers Network (BION) ng Philippine Information Agency (PIA) at mapalakas ang information dissemination drive ng gobyerno sa kanayunan.
Sa kanyang pamumuno sa deliberasyon ng panukalang badyet ng Presidential Communications Office (PCO) sa 2025, inatasan ni Legarda si PIA Director General Joe Torres na magsumite ng panukalang programa. .
“As I promised, if I like a program, we can roll it out in other areas. I may not fund the whole country but I’ll select. Definitely, I will have a program in Antique,” ayon kay Legarda.
Kinumpirma ng PIA na nakapag-organisa ang ahensiya ng ilang barangay (village) information officers sa Antique.
Iniulat ni Torres na gumagana na ang 45 barangay information officers sa 47 barangay sa bayan ng Hamtic, at iba pang lugar sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula.
“In Aklan, we have 20. In Capiz, we have 97. And in Guimaras, 98. In Iloilo, 76. In Negros, 75,” ani Torres.
Aniya, kinalap ng PIA ang Barangay information officers upang maghatid ng impormasyon hinggil sa programa at serbisyo ng pamahalaan.
“Usually, karamihan po sa kanila ay barangay secretary na na-assign as barangay information officers,” wika niya.
Ibinahagi din ni Torres na sinasanay ng PIA ang barangay information officers sa basic news writing, drafting reports at pagsusulat ng press releases at iba pang communication activities.
Inilunsad ang BION, paliwanag ni Torres, sa pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamamagitan ng isang memorandum na ipinalabas noong Aug. 26, 2020.
Giit pa ni Torres, kahit naging matagumpay ang implementasyon nito sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula, walang pondo ang programa.
Pero, ngayong taon, naglaan ang PCO ng P7.4 milyon upang mag-organisa ng barangay information officers sa Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga. Ernie Reyes