ILOCOS SUR- Swak sa kulungan ang isang lalaki at apat na babae matapos arestuhin ng mga awtoridad sa bayan ng Cabugao ng lalawigang ito nitong Miyerkules, Oktubre 2, dahil sa kinahaharap nilang kaso sa korte na Qualified Theft (98 counts).
Bandang alas-5:40 ng hapon nang isilbi ng mga tauhan ng Cabugao MPS ang warrant of arrest laban sa apat na babaeng akusado na mga edad 57, 48, 44, at 57 na pawang mga residente ng naturang bayan samantalang alas-8:30 naman ng gabi nang isilbi nila ang warrant of arrest laban sa 35-anyos na lalaking akusado na residente ng Sto. Domingo, Ilocos Sur.
Ang limang akusado ay naaresto sa bisa ng magkahiwalay na warrant of arrest na may petsang Oktubre 2, 2024 na inilabas ng RTC Branch 24, Cabugao, Ilocos Sur.
Iniatas ng korte ang P3,675,000 piyansa para sa bawat akusado. Rolando S. Gamoso