Home METRO Barangay kagawad 2 beses tinangkang barilin!

Barangay kagawad 2 beses tinangkang barilin!

MANILA, Philippines- Puspusan ngayon ang follow-up operation ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa isang suspek na tinangkang barilin nang dalawang beses ang isang barangay kagawad ng Brgy. 232 sa Tondo, Maynila.

Ayon sa inisyal na ulat, pumalya ang baril ng suspek nang paputukin ito sa opisyal ng barangay.

Napag-alaman na ang suspek ay nasa lugar at kahina-hinala ang kilos kaya inimbitahan siya upang makausap sa barangay hall.

Gayunman, bigla umanong nawala sa sarili ang suspek.

Bago ang insidente, nakita ang suspek na dumaan sa barangay hall at may hinahanap.

Naghinala ang barangay at napansin din na may naka-umbok sa kanyang bewang kaya sinubukan nilang suriin ngunit biglang tumakbo ang suspek at nahulog ang kanyang cellphone.

Ilang sandali pa, bumalik ang suspek sa lugar at kinompronta ang ilang residente ngunit hinala ng barangay na nais nitong marekober ang kanyang cellphone.

Dito nakita ang kagawad at saka tinangkang barilin ng suspek nang dalawang beses. Jocelyn Tabangcura-Domenden