Home METRO Barangay kagawad patay sa pamamaril

Barangay kagawad patay sa pamamaril

LA CASTELLANA, Negros Occidental- Patay ang isang barangay kagawad matapos tambangan at pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek noong Miyerkules sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Reynaldo Jacolbe, 49-anyos, residente ng Sitio Tayubong, Barangay Puso ng naturang bayan.

Batay sa report ng La Castellana Municipal Police Station, bandang alas-8 ng gabi nang maganap ang krimen sa Sitio Canorong, Barangay Puso, ng nabanggit na bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo patungo sa kanyang sakahan.

Pagdating sa nasabing lugar ay bigla na lamang itong pinagbabaril ng mga suspek na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agarang kamatayan nito.

Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar na pinangyarihan ng krimen ay nakapulot sila ng mga basyo mula sa caliber 9mm at caliber .45.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa pagdakip sa mga ito. Mary Anne Sapico