MANILA, Philippines – Sinabi ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, tagapagsalita at adviser ng House prosecution panel, na mananatiling nakatuon ang prosekusyon sa paghaharap ng ebidensya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Barbers, hindi nila papatulan ang mga umano’y pagtatangkang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa pangunahing isyu ng paglilitis.
Aniya, “Doon tayo nakatutok sa ebidensya, ilatag ito, patibayin ito upang makita ng mga senator-judges at ng publiko ang kahalagahan ng mga ebidensya.”
Sinabi rin niya na may mga taong umano’y nagpapakalat ng impormasyon upang mailihis ang atensyon ng publiko sa tunay na isyu.
Iginiit ni Barbers na ang prosekusyon ay magpapatuloy sa paghaharap ng mapagkakatiwalaang ebidensya at naniniwalang naging maayos ang unang linggo ng paglilitis matapos maiprisinta ang mga ebidensya kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment. RNT/MDS