CARMONA, Cavite — Trahedya ang sinapit sa loob mismo ng istasyon ng pulisya matapos pagbabarilin ng isang dating preso ang dalawang pulis gamit ang inagaw na service firearm, na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkakakritikal ng isa pa.
Napatay rin ang suspek sa insidente.
Kinilala ang nasawing pulis na si PMSg Joel Mendoza, habang ang isa pang biktima na si PSSg Joseph Martin Fabula ay nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan. Kapwa sila nakatalaga sa Carmona Component City Police Station.
Ayon sa ulat, bandang alas-9:20 ng umaga kahapon, inaresto ang suspek na si alyas Oliver, 29 anyos, tubong Basilan, dahil sa kasong trespassing at dinala sa presinto para sa karampatang disposisyon.
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, tumanggi ang complainant na magsampa ng kaso laban sa kanya, dahilan upang pansamantalang manatili sa presinto ang suspek habang inaayos ang papeles.
Sa gitna ng proseso, bigla umanong inagaw ng suspek ang baril ni PMSg Mendoza. Nagkaroon ng komosyon at nagkapambuno sa pagitan nila, dahilan upang pumutok ang baril at tamaan si Mendoza at si Fabula.
Nagtamo rin ng tatlong tama ng bala ang suspek, na kalauna’y binawian ng buhay.
Narekober sa pinangyarihan ang Glock 9mm pistol na service firearm ni Mendoza.
Sa kasalukuyan, patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung paano nakalusot ang suspek sa seguridad at kung ano ang naging motibo ng kanyang biglaang pag-agaw ng baril.
Napag-alaman ding kalalaya lamang ng suspek mula sa Iwahig Prison and Penal Farm noong Hunyo 28, 2025. Margie Bautista