MANILA, Philippines – Nagbabala ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na posible ang mga landslide, flash flood, at debris flow sa ilang bahagi ng Luzon bunsod ng malalakas na ulan dulot ng low pressure area (LPA) at Southwest Monsoon (Habagat).
Ayon sa geohazard advisory ng MGB nitong Huwebes, apektado ang 252 barangay sa mga probinsya ng Cagayan, Isabela, Zambales, Bataan, Apayao, Kalinga, at Ilocos Sur.
Sa Metro Manila naman, 412 barangay ang nasa panganib, kabilang ang mga nasa lungsod ng Maynila, Quezon City, Marikina, Pasig, Caloocan, Navotas, at Malabon. Paliwanag ng MGB, mas mabilis umapaw ang tubig sa mga highly urbanized areas dahil hindi agad sumisipsip ang lupa sa ulan.
Samantala, ayon sa PAGASA, makararanas ng 100-200mm na ulan ang Cagayan, Pangasinan, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro mula Miyerkules hanggang Biyernes ng tanghali. Asahan din ang 50-100mm na ulan sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera, Central Luzon, at Calabarzon.
Pinayuhan ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng preemptive evacuation at bantayan ang mga mabababang lugar at baybaying ilog. Santi Celario