Home NATIONWIDE Barko ng CCG nasa Escoda Shoal pa; presensya ng PCG, PH Navy...

Barko ng CCG nasa Escoda Shoal pa; presensya ng PCG, PH Navy pananatilihin sa lugar – exec

MANILA, Philippines- Patuloy na ipadarama ng gobyerno ng Pilipinas ang presensya nito sa Escoda Shoal sa gitna ng mga ulat na ang pinakamalaking barko ng Chinese Coast Guard ay nananatili sa lugar.

Sinabi ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Navy spokesperson for the West Philippine Sea, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG) upang matiyak na may mananatili na barko ng Pilipinas sa Escoda Shoal.

Ang Escoda Shoal o ang Sabina Shoal ay isang coral reef formation na matatagpuan humigit-kumulang 75 nautical miles o humigit-kumulang 140 kilometro mula sa Palawan, na saklaw ng 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Una rito, sinabi ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela na patuloy nilang binabantayan ang presensya ng pinakamalaking barko ng Chinese Coast Guard sa Escoda Shoal sa nakalipas na dalawang linggo.

Kinumpirma ni Trinidad ang impormasyon ni Tarriela, na nagsabing ang barko ng CCG ay nakaangkla pa rin sa Escoda Shoal noong Miyerkules, Hulyo 17, base sa monitoring.

Idinagdag niya na ang barko ng CCG ay lima hanggang walong milya ang layo mula sa PCG vessel sa lugar.

Paliwanag ni Trinidad, ang presensya ng CCG sa EEZ ng Pilipinas ay hindi bago at eksklusibong ginawa para sa Pilipinas dahil ganoon din ang ginagawa nito sa Korea at Japan, at maging sa Alaskan side ng US territory.

Ngunit sinabi ng opisyal na mananatili ang PCG sa Escoda Shoal upang protektahan ang marine environment sa gitna ng binabantayang tambak ng mga durog na korales.

“Our presence there is to ensure that the reported pile up of crushed corals which was reported a few months back was not man-made and that it will not be repeated again,” sabi ni Trinidad. Jocelyn Tabangcura-Domenden